Task force na binuo ng COMELEC kontra vote buying at selling, isa nang ganap na Committee

Isa nang “formal committee” ang binuong task force noon ng Commission on Elections o COMELEC laban sa “vote buying at selling” o bilihan/bentahan ng boto.

Ito ang kinumpirma ni COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, sa Kapihan sa Manila Bay media forum.

Ayon kay Laudiangco, dati ay mayroong Task Force Kontra Bigay na nasimulan noong 2019 elections at itinuloy noong 2022.


Pero ngayon, ito ay permanenteng komite na o tinatawag na “Committee on Kontra Bigay” na pinamumunuan ni COMELEC Commissioner Ernesto Maceda Jr.

Dahil naman dito, sinabi ni Laudiangco na magkakaroon na ng mga tao na tututok sa mga reklamo ng vote buying/selling, at inaasahang mas magiging maayos ang koordinasyon ng law enforcement agencies.

Bukod dito, magiging mabilis na rin ang proseso para matukoy ang dapat na ireklamo o masampahan ng kaukulang kaso.

Samantala, sinabi naman ni Laudiangco na bagama’t may komite na laban sa vote buying/selling, mabuti pa ring matingnan ng Kongreso at maamyendahan ang depenisyon ng bilihan o bentahan ng boto.

Facebook Comments