Task Force na mag-iimbestiga sa pagpatay sa alkalde ng Los Baños, Laguna, binuo ng PNP

Bumuo na ang Philippine National Police (PNP) ng special task force na mag-iimbestiga sa pagpatay kay Los Baños, Laguna Mayor Caesar Perez.

Ayon kay Laguna Police Provincial Police Spokesperson Colonel Chitadel Gaoiran, ang Special Investigation Task Group (SITG) ay pamumunuan ni Lieutenant Colonel Jesson Bombassi, ang Deputy Provincial Director for Operations ng Laguna PNP.

Aalamin nila ang posibleng anggulo sa likod ng pagpaslang sa alkalde.


Sa inisyal na imbestigasyon, pabalik na sa kanyang opisina ang 66-anyos na alkalde matapos magpamasahe sa Barangay Baybayin.

Nang makabalik na si Mayor Perez sa loob ng munisipiyo at nasa bahagi ng receiving area, dito na nagpaputok ng baril ang mga hindi nakikilalang suspek.

Agad na tumakas ang mga ito na patuloy na tinutugis ng mga awtoridad.

Agad na isinugod sa HealthServ Medical Hospital pero agad ding binawian ng buhay.

Si Perez ay kabilang sa mga pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa ilegal na droga pero pinabulaanan niya ito at iginiit na pulitika ang nasa likod ng pagkakasama ng kanyang pangalan sa narcolist.

Samantala, nagpaabot na ng pakikiramay si Laguna Governor Ramil Hernandez sa pamilya ng alkalde.

Facebook Comments