Task Force na Tututok sa Pagkontrol ng Pamemeste ng Rice Black Bug sa ilang bayan ng Isabela, Binuo

Cauayan City, Isabela- Nilagdaan na ni OIC-Governor Faustino “Bojie” Dy III ang Executive Order No. 37 series of 2021 kaugnay sa binuong Isabela Provincial Inter-Agency Task Force for the Management of Rice Black Bug (RBB) na tututok sa dumaraming kaso ng mga apektado ng pamemeste sa agrikultura.

Naitala naman ang maraming kaso ng pamemeste ng Rice Black Bug o kung tawagin ay “itim na atangya” o “nangisit a dangaw” na siyang sumisira sa mga pananim na palay sa mga bayan ng Burgos, San Guillermo, San Mateo, Cabatuan, Roxas, Alicia, Aurora, San Manuel, Mallig, San Agustin at City of Cauayan.

Sa kabila nito, kailangang maipatupad ang hakbang upang mapigilan ang lalo pang pagkalat ng salot na Rice Black Bug sa mga palayan.


Kaugnay nito, tiniyak naman ng task force ang kanilang pinaigting na pagtutok sa kasong ito at ang pagkontrol sa dami ng pinsalang iniwan ng RBB maging sa iba pang mga pananim.

Isang paraan upang makatulong na makontrol o mabawasan ang infestation ng RBB ay ang paggamit ng light trapping technology at biological control agents – Metharizum anisopliae at iba pang insecticide/pesticide na kilala na mabisa laban sa RBB.

Ayon naman kay PhilRice-Isabela Senior Science Research Specialist Gracia Amar, ibinida nito na ang paggamit ng improvised solar lamp light traps ay mabisang paraan upang maiwasan ang pagtaas ng kaso RBB.

Nangako rin ang PhilRice na magbahagi at magbigay ng mga technical briefing bilang awareness campaign sa social media.

Samantala, namahagi naman ng insecticide/pesticide chemical laban sa RBB ang DA Regional Crop Protection Center sa lahat ng Municipal/City Agriculture Office.

Facebook Comments