Task force ng DOJ na mag-imbestiga at magsagawa ng case buildup sa mga kaso ng extrajudicial killings, welcome sa CHR

Suportado ng Commission on Human Rights (CHR) ang pahayag ng Department of Justice (DOJ) na bumuo ng isang task force na tututok sa pag-iimbestiga at pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa extrajudicial killings (EJKs) na may kaugnayan sa war on drugs ng nagdaang administrasyong Duterte.

Kinikilala ng CHR ang inisyatiba ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na isang makabuluhang hakbang tungo sa pagtataguyod ng accountability at pagpapakita ng matibay na commitment sa pagtataguyod sa karapatang pantao at sa tuntunin ng batas o rule of law.

Umaasa ang CHR na magkakaroon ito ng mas mabilis at kongkretong resulta, kabilang ang makabuluhang pagtaas sa bilang ng mga naresolbang kaso ng EJK.


Ikinatuwa rin ng CHR ang pagsasagawa ng DOJ ng mga pagsusuri sa “cold cases” ng extrajudicial killings upang matukoy kung ang mga ito ay makatwirang na- i-dismiss.

Pinuri ng Komisyon ang kahalagahan ng mabilis na aksyon ng DOJ kasunod ng mga
nagaganap na pagdinig sa EJK ng House Quad Committee at ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ayon pa sa CHR, mahalaga ang ganitong pakikipagtulungan sa pagsasagawa ng masusing pagsusuri na batay sa ebidensya ng bawat kaso at pagtiyak na ang mga natuklasan sa pagsisiyasat ay naaayon sa batas at angkop na proseso.

Facebook Comments