Task force para sa paghahanda ng bansa sa hosting ng FIBA Basketball World Cup 2023, pinabubuo ni PBBM

May direktiba na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na lumikha ng inter-agency task force na tututok sa mga paghahanda para sa hosting ng bansa sa FIBA Basketball World Cup 2023.

Ang FIBA ay isang quadrennial men’s basketball tournament na binuo ng Federacion Internationale de Basketball na siyang governing body ng mundo para sa basketball na kinikilala ng International Olympic Committee.

Ang Samahang Basketbol ng Pilipinas naman o SBP ay ang National Sports Association na kinikilala ng FIBA bilang body in-charge para sa promotion at development ng basketball sa bansa.


Sa ilalim ng Administrative Order No. 5 na inilabas ng Malacañang na pirmado ni Pangulong Marcos sa noong March 27, 2023, inutusan nito ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan na bubuo sa task force habang hinikaya ang mga Local Government Unit (LGU) at pribadong sektor na pagtulungang suportahan ang SBP sa gagawing paghahanda.

Kabilang sa mga paghahandang ito ay ang pagbili ng mga kinakailangang materials at equipment, pagbibigay ng support services at pagtanggap ng mga donasyon batay sa batas, mga patakaran at regulasyon.

Nakasaad sa kautusan na ang pondong gagamitin sa paghahanda para sa FIBA ay huhugutin sa available na pondo ng mga kaukulang ahensiya ng gobyerno sang-ayon sa kasalukuyang batas sa budgeting, accounting at auditing.

Ang task force ay pamumunuan ng Philippine Sports Commission bilang chairperson, habang ang mga pinuno o mga itinalagang kinatawan ng mga ahensiya o tanggapan ang magsisilbi namang mga miyembro.

Ang FIBA Basketball World Cup 2023 ay gaganapin sa August 25 ngayong taon.

Facebook Comments