Isusumite na ng Task Force PhilHealth kay Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw ang resulta ng 30-araw na imbestigasyon nito sa mga iregularidad sa State health insurance agency.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, convenor ng Task Force, nakapaloob sa kanilang report ang ‘general environment’ sa PhilHealth kung bakit nagkakaroon ng pandaraya at korapsyon.
Tumanggi muna si Guevarra na magbigay ng detalye hinggil sa report ng Task Force.
Hihintayin din nila ang mga magiging direktiba ni Pangulong Duterte hinggil dito.
Pagtitiyak ni Guevarra na patuloy ang pag-iimbestiga ng kanilang composite teams.
Nabatid na natapos ang mga pagdinig ng task force noong nakaraang linggo kung saan 12 testigo ang napakinggan at natanggap ang mga kinakailangang dokumento.
Ginamit din ng task force ang mga records at documents na nakalap sa ginawang pagdinig ng Kamara at Senado.