Nakatakdang magpulong bukas, August 14, 2020, ang mga miyembro ng Task Force PhilHealth.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, iimbitahan nila ang ilang resource persons para magbigay ng detalye hinggil sa mga nangyayaring iregularidad sa PhilHealth.
Gaganapin ang meeting sa kanilang tanggapan sa Manila kung saan maaaring sumali ang task force members sa pamamagitan ng video conference.
Ang Department of Justice (DOJ) team ay nagpulong na nitong Lunes at tinalakay ang operational strategy para sa nasabing task force.
Ang Task Force PhilHealth ay pinamumunuan ni Guevarra na binubuo ng mga kinatawan mula sa DOJ, Office of the Ombudsman, Commission on Audit (COA), Civil Service Commission (CSC) at Office of the President, katuwang ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Ang National Bureau of Investigation (NBI) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) ay ilan sa mga government agencies na inatasang suportahan ang task force.
Nabatid na binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang task force ng hanggang 30 araw mula nang binuo ito para makapagsumite sa kanya ng findings at recommendations.