Magsasagawa ng pulong ngayong araw ang mga myembro ng Task Force SONA 2021 para sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakatakda sa July 26, 2021.
Ayon kay House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, inaasahang matatalakay ng Task Force SONA 2021 ang mga paghahanda at pag-iingat para sa huling SONA ng Presidente lalo’t may banta pa rin ng pandemya.
Kabilang sa tumututok sa SONA ay mga taga-Malakanyang, Presidential Management Staff (PMS), Office of the Speaker, Secretary General at Sergeant at Arms ng Kamara, maging ang Senado.
Sinabi ni Romualdez na kabilang sa mga opsyon na maaaring gawin sa huling SONA ng Pangulo ay ang naging set-up noong nakalipas na SONA 2020 kung saan mahigpit ang protocol, limitado lamang ang mga bisitang nakadalo at ang iba ay sa online nakaantabay.
Pinag-aaralan na rin aniya na pagbigyang makadalo ang mga “fully vaccinated” na VIPs kahit ang media.
Posibleng tuloy pa rin ang RT-PCR testing para sa mga bisita isa o dalawang araw bago ang SONA, at rapid test o anti-gen test naman sa mismong araw ng SONA, pero depende pa rin ito sa protocols na ilalabas ng Palasyo.
Paliwanag ni Romualdez, bilang “host venue” ay nais lamang tiyakin ng Kamara na magiging makabuluhan pero ligtas ang SONA hindi lamang para sa Presidente kundi para sa lahat.