Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na walang rekomendasyon ang task force na nag-imbestiga sa mga anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na buwagin ang tanggapan.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang report na isinumite ng Task Force PhilHealth kay Pangulong Rodrigo Duterte nitong September 14 ay walang kasamang rekomendasyong buwagin ang state health insurer.
Ang inirekomenda nila ay magsagawa ang Governance Commission for sa Government-Owned and Controlled Corporations ng pag-aaral para sa posibleng reorganization sa PhilHealth at bumuo ng interim management committee.
Naniniwala si Guevarra na nananatiling undecided ang Pangulo sa kung anong gagawing sa PhilHealth.
“It is not really very clear whether he wants to reorganize, abolish, or privatize PhilHealth. Note that the last two options need congressional action,” sabi ng kalihim.
Matatandaang inirekomenda ni Pangulong Duterte sa Kongreso na buwagin ang PhilHealth dahil sa laganap na korapsyon sa ahensya at palitan ito ng bagong ahensya.