Target ng pamahalaan na mabakunahan ang nasa inisyal na 20 milyong mga Filipino kapag available na ang COVID-19 vaccines.
Ayon kay National Policy against COVID-19 Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., ito ang mandato sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan ililibre ang mga mahihirap nating mga kababayan kabilang na ang mga sundalo at pulis.
Kasunod nito, sinabi ni Galvez na bumuo na ang pamahalaan ng task group on vaccination na binubuo ng Department of Science and Technology (DOST) at Department of Health (DOH).
Kabilang sa tututukan ng task group ang paghahanda sa logistic requirement ng COVID-19 vaccines.
Kinakailangan kasi aniya ng ilang cold chain warehouse na pag-iimbakan ng mga bakuna dahil kung malalantad ito sa tropical weather o mainit na panahon ay mawawala ang bisa nito.
Nagsasagawa na rin ng simulation ang task group para sa vaccination process.
Sa ngayon, may ilang vaccine developers na ang nasa advance stage ng kanilang pag-aaral para sa matagal nang hinihintay na bakuna kontra COVID-19.