TATANGGALIN | Pangulong Duterte, handang sibakin ang mga gabinete na mapatutunayang sangkot sa katiwalian

Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na hindi magdadalawang isip tanggalin agad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang miyembro ng kanyang gabinete na makikitang sangkot sa katiwalian o anomang iregularidad.
Ito ang sinabi ng Malacañang sa harap narin ng ginagawang imbestigasyon ng Office of the President sa issue ng 60 million pesos na advertisement fund ng Department of Tourism na ipinambayad naman sa Production Company ng magkapatid na Tulfo na sina Erwin at Ben na mga kapatid ni Tourism Secretary Wanda Teo.
Matatandaan din na kinumpirma ni Special Assistant to the President Secretary Bong Go na kabilang sa iniimbestigahan sa issue ay si Communications Secretary Martin Andanar.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, napatunayan na ni Pangulong Duterte na sinisibak niya ang mga opisyal ng Pamahalaan na mapatutunayang sangkot sa katiwalian o iregularidad at hindi aniya mahalaga kung kaibigan o kakampi ang mga ito.
Kaya naman sinabi ni Roque na hindi na siya magsasalita sa issue at mas magandang hintayin nalang ang resulta ng ginagawang imbestigasyon ng Office of the President.

Facebook Comments