Manila, Philippines – Tiniyak ni Senate President Koko Pimentel at Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang pagpasa ng batas na tatapos sa ENDO o Kontraktualisasyon.
Ginawa nina Pimentel at Villanueva ang pahayag makaraang maglabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng Executive Order o EO laban sa ENDO.
Ayon kay Pimentel – ang paglalabas ng EO ay pagtupad ni Pangulong Duterte sa pangako niya noong panahon ng kampanya na tatapusin ang Kontraktuwalisasyon.
Sinabi naman ni Senator Villanueva na ang EO kontra ENDO ay nagpapakita ng malinaw na posisyon ng ehekutibo sa usapin at makakatulong ito sa pagbalangkas nila ng batas.
Agad ding iginiit ni Villaneuva na hindi dapat ituring na anti-business ang anumang hakbang na tumutugon sa mga pag-abuso sa mga mangagawa at nagsusulong ng kaligtasan at kapakanan ng mga empleyado.