Tatay na nagpatihulog sa bangin kasama ang 2-anyos kambal, nasagip

Photo courtesy of The San Diego Union-Tribune

Umani ng papuri ang isang pulis sa United States matapos sagipin ang lalaking nagmaneho diretso sa bangin kasama ang kambal na anak na 2-taon-gulang, noong Sabado.

Bumaba sa bangin si San Diego Police K9 Officer Jonathan Wiese gamit ang tali upang tulungan ang mag-aama na sakay ng kotse na tumaob sa dagat, ayon sa ulat ng KGTV.

Unang nakatanggap ng tawag ang pulisya mula sa nanay ng mga bata na nagsabing tinangay ng tatay ang kambal at nagtangkang magpapatihulog sa Colorado Bridge.


Nahanap ng awtoridad ang lokasyon ng lalaki sa Sunset Cliffs kung saan nasaksihan ng isang lieutenant ang mabilis na pagdire-diretso ng sasakyan sa bangin.

Nang dumating sa lugar, kinuha ni officer Wiese ang 100 ft. na tali na ginagamit sa SWAT missions, ibinuhol ito sa kanyang baywang, saka ipinahawak ang kabilang dulo sa mga sumunod na pulis bago tumalon sa ibaba.

Ligtas namang nahatak ng pulis ang mag-aama sa batuhan matapos aniya gamitin ang natutunan sa water rescue training.

“He had both girls. He was holding them and trying to tread water, but they were all going under. One was awake and crying the other one was pretty lifeless,” salaysay ni Wiese sa San Diego Union-Tribune.

Dinala sa kostudiya ng pulisya ang ama na nahaharap sa kasong attempted murder, habang nagpapagaling naman sa ospital ang kambal.

“I have a 2-year-old daughter at home so I imagined, what if that was my wife and kid down there? You’re not going to stand there on the cliff and watch it happen,” aniya kung bakit ginawa ang kabayanihan.

 


Sa mga nakararanas ng depresyon, huwag mag-alinlangang sumangguni sa malalapit na kaibigan at espesyalista.

Maari ring tumawag sa “Hope Line” ng Natasha Goulbourn Foundation na katuwang ng Department of Health (DOH):
(02) 804-HOPE (4673)
0917-558-HOPE (4673) or (632) 211-4550
0917-852-HOPE (4673) or (632) 964-6876
0917-842-HOPE (4673) or (632) 964-4084

Facebook Comments