Milagrong nakaligtas ang limang-taon gulang na babaeng isinama ng kanyang tatay sa pagtalon sa harap ng subway train sa Bronx, New York, Lunes.
Halos walang galos ang bata, habang nahati naman ang katawan ng kinilalang si Fernando Balbuena, 45, ayon sa pulisya at mga nakasaksi.
Nangyari ang insidente alas-8 ng umaga sa Kingsbridge Road station.
Batay sa salaysay ng mga commuter, bigla na lamang daw binuhat ni Balbuena ang anak at tumalon sa paparating na tren.
Nang tumigil ang tren at lumitaw ang mga paa ng bata, dalawang lalaki ang agad bumaba sa riles.
Maya-maya pa ay gumapang palabas sa ilalim ng tren, palapit sa isang lalaki sa riles ang bata na suot-suot pa rin ang kanyang backpack.
Makalipas ang ilang oras, lumabas sa ospital nang walang galos ang bata na ngayon ay maayos na ang lagay, ayon sa ina nitong si Niurka Carabello, 41.
Sinabi ni Carabello na walang problema sa asawa niyang si Balbueno nang umalis ito sa kanilang apartment para ihatid sa eskwela ang anak.
Pero nang makarating sa istasyon, nagawa pa raw tumawag ng biktima kay Carabello.
Hindi niya raw ito naintindihan kaya kinutuban na siya at muling tumawag ngunit ang anak na ang sumagot na nagsabing umiiyak ang kanyang tatay.
Tinakbo ni Carabello ang istasyon pero huli na nang makarating siya.
Ibinunyag naman ng pulisya na anim na beses nang naospital dahil sa mental health issues ang biktima at sumailalim sa gamutan.
Hindi naman lubusang naintindihan ng bata ang nangyari at ang nasabi niya lang sa kanyang ina ay “nahulog” sila sa riles.