Tatlong lalaki ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-drug operation sa mga bayan ng Aringay, Pugo, at Lungsod ng San Fernando, La Union kung saan nakumpiska ang tig-1 gramo ng hinihinalang shabu sa bawat operasyon.
Sa Aringay, nadakip ang isang 31-anyos na lalaki mula Agoo matapos isagawa ng Aringay Police Station at iba pang operating units ang buy-bust operation.
Narekober mula sa suspek ang isang gramo ng hinihinalang shabu na nasa tatlong sachet, kasama ang buy-bust money, isang laptop bag, cellphone, at motorsiklo.
Samantala, sa Pugo, La Union, isa pang operasyon ang ikinasa ng lokal na pulisya kung saan naaresto ang isang suspek at nakumpiska rin ang tinatayang isang gramo ng hinihinalang shabu.
Sa lungsod naman ng San Fernando, isang 39-anyos na lalaki ang natimbog ng pinagsanib na pwersa ng San Fernando Police Station at iba pang yunit.
Nakuha mula sa suspek ang isang gramo ng hinihinalang shabu sa tatlong sachet, isang keypad cellphone, at isang P500 bill kasama ang pekeng P1,000 bill na ginamit bilang boodle money.
Ang tatlong suspek ay nasa kustodiya na ng kani-kanilang police stations para sa tamang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.









