*Cauayan City, Isabela*- Umabot na sa sampu (10) ang Patient-Under-Investigation na naitala ng Department of Health Region 2 matapos makitaan ng ilang sintomas ng hinihinalang COVID-19.
Batay sa ipinalabas na pahayag ng DOH Region 2, kabilang ang isang batang lalaki na edad lima at batang babae na edad tatlo mula sa Bayan ng Sanchez Mira,Cagayan matapos bumisita kasama ang kanilang ina sa bansang Macau noong Enero 24, 2020 at kasalukuyan ngayong nasa isolation room ng Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City.
Isinailalim din sa pagsusuri ang isang pitong (7) taong gulang na batang lalaki mula sa bayan ng Reina Mercedes, Isabela matapos umuwi ng Pilipinas mula sa bansang Hongkong at kasalukuyan din na nasa Southern Isabela Medical Center sa Santiago City.
Maliban dito, naitala din ang isang 44 anyos na lalaki mula sa Sanchez Mira na nagmula sa Taiwan at nakaisolate ngayon sa CVMC at isang 42 anyos na ginang mula naman sa Bayan ng Dinapigue, Isabela na nagmula sa bansang Hongkong na isinailalim sa pagsusuri habang nananatli sa Southern Isabela Medical Center.
Nakitaan din ng ilang sintomas ng hinihinalang nakamamatay na sakit ang isang 38 anyos na babae mula sa Lasam, Cagayan na dumating sa Pilipinas noong Enero 31 at nakaisolate din sa Cagayan Valley Medical Center.
Nananatili ang apat na iba pang PUI sa mga isolation room sa Region 2.
Hinihikayat naman ng Kagawaran ng Kalusugan sa Lambak ng Cagayan ang publiko na mangyaring lumahok sa mga awareness campaign ng ahensya upang maiwasan ang sakit na ito.