Tatlo hanggang apat na testigo sa umano’y katiwalian sa PhilHealth, inaasahang lalantad sa pagdinig ng Senado

Kinumpirma ni Senate President “Tito” Sotto III na nasa tatlo hanggang apat na testigo ang inaasahang lulutang sa gagawing pagdinig ng Senate Committee of the Whole ukol sa umano’y katiwalian sa PhilHealth.

Posibleng isa aniya sa mga tumestigo ay si Atty. Thorrsson Montes Keith na siyang nagbitiw na Anti-Fraud investigator ng PhilHealth.

Dagdag pa ni Sotto, may iba’t ibang grupo at mga asosasyon din ang nagpapadala ng mga impormasyon sa Senado ukol sa hindi umano maayos na pagpapatakbo sa ahensya.


Umaasa si Sotto na may mabibigat na ebidensyang lulutang sa pagdinig ng Senado na magiging daan para mapanagot ang mga corrupt na opisyal ng PhilHealth dahil sa ngayon ay puro alegasyon pa lang ang lumalabas.

Naghain na rin ng resolusyon si Sotto kasama si Senator Panfilo Ping Lacson para maimbestigahan ng Senado ang isyu kung saan pangunahing ipapatawag si PhilHealth President Ricardo Morales.

Diin ni Sotto, kailangang mabusising mabuti ang paulit-ulit na isyu ng katiwalian sa PhilHealth upang mailatag ang kinakailangang reporma dito o ma-amyendahan ang batas na lumikha sa ahensya.

Facebook Comments