
Mayroon umanong tatlo o apat na senador na pinagpipilian na maging susunod na Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee kapalit ni Senate President pro-tempore Panfilo Lacson.
Ayon kay Senate President Tito Sotto, mayroong mga napipisil na ipalit kay Lacson sa Blue Ribbon Committee bagama’t hindi pinangalanan ng senador kung sino-sino ang mga ito.
Gayunman, aminado si Sotto na mahirap sundan ang yapak at mga nasimulan ni Lacson sa komite.
Sa kabila naman ng tuluyang pagbibitiw ni Lacson ay tiniyak ni Sotto na sinuman ang maihalal na Chairman ng Blue Ribbon Committee ay itutuloy ang imbestigasyon sa flood control projects anomaly.
Ang mga ebidensyang makakalap at magiging resulta ng pagdinig ay kanilang ipapadala sa Department of Justice (DOJ) at sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) para makatulong sa mandatong matunton ang mga nasa likod ng katiwalian sa mga proyekto.









