Nakatawid na sa ikalawang pagbasa ng House of Representatives ang tatlo panukalang batas na kasama sa mga prayoridad ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Kabilang dito ang House Bill 9648, o panukalang “New Government Procurement Act na naglalayong higit pang mapabuti ang government procurement system ng gobyerno.
Pasado rin sa ikalawang pagbasa ang HB 9663, o ang panukalang “National Water Resources Act,” na kabilang din sa mga prayoridad na isinulong ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa kanyang 2023 State of the Nation Address (SONA).
Nakapaloob sa panukala, ang paglikha ng Department of Water Resources at pagtatag ng pambansang balangkas para sa pamamahala ng yamang-tubig.
Isa pang prayoridad na batas ng LEDAC na umusad sa Kamara ang House Bill 9673, o ang panukalang “Philippine Cooperative Code of 2023.”
Ang iba pang panukalang batas na inaprubahan sa ikalawang pagbasa ay ang panukalang “Bulacan Airport City Special Economic Zone and Freeport Act,” gayundin ang panukalang “Revised Government Auditing Code of the Philippines,” at panukalang institutionalization ng pagkakaloob ng teaching supplies allowance sa mga public school teachers.