Tatlo sa anim na suspek na nanloko sa isang negosyante sa lungsod ng Maynila, kalaboso!

Kalaboso ang tatlo sa anim na suspek na tumangay sa pera, cellphone at alahas ng isang negosyante sa lungsod ng Maynila.

Sa imbestigasyon, isang Sherwin Gorospe ang nag-text sa biktimang negosyante na si Byron Patricio kung saan nais niyang magsanla ng kotse.

Nagkasundo ang dalawa na magkita sa service road sa Roxas Blvd. sa Malate pero isang alyas Alex ang nakausap ng biktima kasama ang dalawang iba pa na sina Richard Cuason at Winnie Cyrene at dito ipinakita ang sasakyan na na may plate number na NCV-3993.


Nang bayaran ng biktima ang kotse sa halagang P186,000, dalawang lalaki na nagpakilalang pulis ang biglang sumulpot at sinabing may problema sa dokumento ang sasakyan kaya’t hinikayat ang negosyante na sumama paputang Camp Crame.

Pagsapit ng Finance Road, sapilitang pinababa ang biktima saka tinangay ng mga suspek ang perang pambayad ng kotse gayundin ang kaniyang bag na may lamang tatlong cellphone na nagkakahalaga ng P52,000, mga alahas na nagkakahalaga P446,000.00 at iba’t ibang ID.

Agad na humingi ng tulong ang biktima sa mga pulis kaya’t nasakote ang tatlo sa mga ito na sina Cuason at Cyrene at Jervin Gavieres habang pinaghahanap ang tatlong iba pa kung saan ang isa sa mga ito ay nakilalang si Felizardo Salonga, Barangay Kagawad ng Brgy. 407, Zone 42 at residente ng San Anton St., Sampaloc, Manila.

Facebook Comments