Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na isinailalim na sa inquest proceedings sa mga piskalya ang tatlo sa mga suspek sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.
Sa press conference ng DOJ at DILG, kinumpirma na sa Negros Oriental Provincial Prosecutors’ Office, sinampahan ng reklamong multiple murder ang tatlong suspek na sina Joven Javier, Benjie Rodriguez, at Joric Labrado.
Bukod dito, kinasuhan din ang tatlo ng mga reklamong illegal possession of firearms, ammunitions, and explosives sa Bayawan City Prosecutors’ Office.
Samantala, inanunsiyo rin ng DOJ na posibleng ilagay sa Witness Protection Program (WPP) ang dalawa sa tatlong suspek.
Ayon kay DOJ Spokesman Atty. Mico Clavano, sinusuri na ang salaysay ng dalawa para madetermina kung sapat ito para maipasok sila sa WPP.
Aniya, ang DOJ ang nagrekomenda na maghain ng aplikasyon ang dalawa sa WPP dahil cooperative naman ang mga ito.
Kaugnay nito, inihayag pa ni Justice Undersecretary Felix Nicholas Ty na makikipa-ugnayan sila sa Philippine National Police (PNP) at DILG para paglipat sa National Capital Region (NCR) ng mga suspek para sa protective custody.