Saturday, March 28, 2026

TATLO, SUGATAN SA BANGGAAN NG MOTORSIKLO AT KULONG-KULONG SA URDANETA

Sugatan ang tatlong katao sa banggaan ng motorsiklo at kulong-kulong sa Barangay Palina East, Urdaneta City, Pangasinan, gabi ng Marso 25, 2026.

Batay sa imbestigasyon, binabagtas ng motorsiklo, na minamaneho ng isang 24-anyos na lalaki, ang kalsada patungong silangan habang kasalubong nito ang kulong-kulong na minamaneho naman ng isang 44-anyos na lalaki na may kasamang 13-anyos na pasahero na patungong kanluran.

Nagkaroon ng banggaan matapos mapasok ng unang motorsiklo ang linya ng kasalubong na sasakyan.

Dahil dito, nagtamo ng pinsala ang lahat ng sangkot at agad na isinugod sa Urdaneta District Hospital para sa karampatang lunas.

Napag-alamang nasa ilalim ng impluwensya ng alak ang driver ng motorsiklo, ayon sa pagsusuri ng manggagamot.

Nagtamo rin ng pinsala ang dalawang sasakyan na kasalukuyang inaalam ng mga awtoridad ang halaga ng pagkukumpuni. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments