
Tatlong indibidwal ang arestado sa magkahiwalay na anti-illegal drug operations sa Urdaneta City at Malasiqui, Pangasinan madaling-araw ng Abril 8, kung saan halos ₱27,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam.
Unang naaresto ang dalawang suspek na kinilalang isang 32-anyos na babaeng online seller mula Villasis at isang 31-anyos na welder mula Urdaneta.
Sa ikinasang buy-bust operation ng Urdaneta City Police Station katuwang ang PDEA Region 1, narekober ang apat na heat-sealed plastic sachet na may timbang sa 2 gramo ng hinihinalang shabu at nagkakahalaga ng ₱13,600. Nasamsam din ang buy-bust money at isang cellphone.
Sumunod namang nasakote ang isang 46-anyos na karpintero mula Urdaneta City sa hiwalay na operasyon ng Malasiqui Municipal Police Station, sa koordinasyon pa rin ng PDEA Region 1.
Nakumpiska mula sa suspek ang apat na plastic sachet na may timbang sa 1.97 gramo ng hinihinalang shabu at may halagang ₱13,396, kasama ang buy-bust money, wallet, at cellphone.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










