Tatlong ahensiya na sangkot sa katiwalian, pinangalanan ni Senator Manny Pacquiao

Inihayag ni Senator Manny Pacquiao na tatlong ahensiya ng gobyerno ang may korapsiyon.

Sa kaniyang naging press conference kahapon, ipinakita ni Pacquiao ang tambak na mga dokumento na naglalaman umano ng mga ebidensiya sa mga ahensiyang sangkot sa katiwalian.

Pinangalanan ni Pacquiao ang Department of Social Welfare and Development, Department of Health, at Department of Energy.


Ipinunto ng senador ang nawawala umanong ₱10 billion na pondo para sa Social Amelioration Program (SAP) na naging dahilan kung kaya’t nasa 1.3 milyong benepisyaryo ang hindi nakatanggap ng ayuda.

Ayon kay Pacquiao, sa ₱207.6 billion na pondo para sa ikalawang bugso ng SAP ay naglaan ang DSWD ng ₱50 billion sa isang hindi kilalang e-wallet service na Star Pay.

Lumalabas aniya sa imbestigasyon na sa 1.8 million sana na binigyan ng SAP ay nasa 500,000 lamang ang nagdownload nito kung kaya’t dito ay kinuwestiyon ng senador kung saan napunta ang para sa mga natitirang benepisyaryo.

Samantala, sinabi pa ni Pacquiao na bumili ang DOH ng mga gamot na malapit nang ma-expire habang isang pribadong kumpanya naman ang ginawaran ng kontrata ng DOE na hindi dumaan sa proseso ng bidding.

Facebook Comments