Tatlong araw na malawakang tigil-pasada, matagumpay ayon sa grupong PISTON

Naging matagumpay ang tatlong araw na malawakang tigil-pasada ng grupong PISTON laban sa public utility vehicle (PUV) Modernization Program ng pamahalaan.

Sa kilos-protesta sa Mendiola, Maynila, idineklara ni PISTON President Mody Floranda na matagumpay ang nangyaring transport strike dahil 95% ang lumahok na driver at operator sa tigil-pasada sa Metro Manila habang nasa 30% naman sa kanila ang lumahok sa iba’t ibang lalawigan.

Tahasan ding hinamon ni Floranda si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ibasura ang umano’y huwad at bogus na modernization program.


Dagdag pa ni Floranda, dapat aniyang magtayo na lamang ng sariling industriya ang bansa at ang masa ang lilikha ng sariling transportasyon.

Panawagan din nito na payagan na ang mga drayber na ayusin na lamang ang kanilang mga PUV at jeep imbes na sa panibagong sistema ng electronic jeepney.

Samantala, iginiit naman ng PISTON na hindi lamang ngayong araw matatapos ang kanilang pagkilos, dahil target pa nilang magsagawa ng isa pang welga sa mga darating na araw o linggo.

Facebook Comments