Tatlong araw na oral arguments sa petisyon na mapa-walang bias ang martial law, sinimulan na ng Korte Suprema

Manila, Philippines – Sinimulan na ng Korte Suprema ang tatlong araw na oral arguments sa mga petisyong humihiling na mapa-walang bisa ang deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao.

Dito ay sumabak ang kampo ng petitioners na dumipensa sa kanilang argumento na walang sapat na basehan ang deklarasyon ng Martial Law sa Mindanao at suspensyon ng privilege of the writ of habeas corpus na proteksyon laban sa iligal na detensyon.

Kahit na aminado ang petitioners, sa pangunguna ni Albay Rep. Edcel Lagman na may armed conflict ang tropa ng gobyerno at Maute Group sa Marawi ay hindi pa rin ito matatawag na isang rebelyon o paghihimagsik.


Dagdag pa nito, hindi kailangan ng batas militar para tugisin ng militar ang mga terorista at lalong hindi dapat sakop ng martial law ang buong Mindanao dahil wala namang nagaganap na parehong krisis sa ibang parte ng rehiyon.

Matatandaang hindi nakontento ang petitioners sa paliwanag ng malakanyang sa mga basehan ng deklarasyon na nakapaloob sa pormal na ulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso.

Hindi naman nakapag-presenta ang panig ng gobyerno sa pamamagitan ni Solicitor General Jose Calida pero kumpiyansa itong mananalo sa kaso.
DZXL558

Facebook Comments