Iginiit ng pamunuan ng Municipal Health Office ng Bayambang na patuloy at kailangang maigting na sundin ang tatlong araw na lamay kahit ano mang Alert Level sa bayan kaugnay sa kinakaharap na pandemya.
Nilinaw ni Dra. Paz Vallo, Municipal Health officer na ang pagsasagawa ng mga lamay sa mga kapamilyang nasawi ay hindi maaaring palawigin pa at humigit sa tatlong araw, ito man ay hindi tinamaan ng COVID-19 virus.
Dagdag nito na ang pagpapaigting ng ganitong polisiya ay upang maiwasan umano ang pagkalat pa ng virus dahil sa hindi mapipigilan ang pagpunta ng mga nais makiramay na karamihan umano ay galing pa sa ibang lugar.
Maaari umanong isagawa ang lamay ng mga namayapang mahal sa buhay ng mga kasama lamang sa bahay.
Isa umano itong paraan upang patuloy namang mapababa pa ang kaso ng COVID-19 sa bayan.
Ipinayo nito na kung maaari ay huwag magpakampante at sumunod sa umiiral na protocols at ang patuloy na pagsuporta sa ginagawang pagbabakuna ng sa gayon ay magkaroon ng dagdag proteksyon sa sakit at maiwasan ang severe effects nito. | ifmnews