Tatlong bagong kaso ng mpox ngayong taon, hindi pa sigurado kung magkakaugnay —DOH

Hindi pa tukoy ng Department of Health (DOH) kung magkakaugnay ang mga kaso ng ika-10 hanggang ika-12 pasyente ng mpox na naitala sa bansa.

Ito ay sa kabila ng pahayag ni Health Secretary Teodoro Herbosa na may local transmission na ng mpox sa bansa partikular na sa Metro Manila.

Ayon kay DOH Spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, kasalukuyan pa itong inaalam sa pamamagitan ng mga epidemiologists kung mayroong linkages ang mga naitalang kaso.


Sa mga bagong kaso ng sakit, dalawa sa mga ito ay umamin na nagkaroon ng intimate contact bago lumabas ang kanilang mga sintomas.

Una nang sinabi ng DOH na naipapasa ang sakit sa pamamagitan ng skin-to-skin, gaya ng pakikipagtalik at iba pang paraan ng pagdidikit ng balat ng mga indibidwal.

Paalala naman ng kagawaran, iwasan muna ang close, intimate at skin-to-skin contact upang maiwasang mahawa ng mpox at ugaliing maghugas ng kamay at magtakip ng balat kung kinakailangan.

Facebook Comments