Hiniling ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez kay Pangulong Rodrigo Duterte na punan na ang tatlong bakanteng posisyon ng mga Commissioners ng Commission on Elections (COMELEC).
Ito ay kasunod na rin ng pagreretiro nila dating COMELEC Chairman Sheriff Abas at mga dating Commissioners Rowena Guanzon at Antonio Kho Jr.
Giit ni Rodriguez, nalalapit na ang May 9 election at kailangan ng COMELEC ang lahat ng tulong kaya mahalagang may maitalaga na agad na mga bagong Commissioners.
Kung mapupunan ang 7-member ng COMELEC ay makakatulong ito sa pagtiyak ng tapat, mapayapa at maayos na halalan.
Tinukoy pa na ang bawat Commissioner ay may hawak na dalawa sa 16 na rehiyon sa bansa kaya posibleng mahirapan ang mga ito sa paghahanda sa eleksyon kung kulang ng myembro.
Umaasa naman ang mambabatas na ang mga bagong itatalagang COMELEC members ay may sapat na background sa batas at information technology at walang bahid ang integridad at record sa public o private sector service.