Hanggang sa mga oras na ito ay nasa tatlo pa rin ang mga aspirants na naghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC) dito sa COMELEC-NCR para sa pagkakongresista ngayong ikatlong araw ng paghahain ng kandidatura.
Malayo sa unang araw ng filing ng COC na mala-fiesta at dagsa ang mga supporters ay tahimik lang ngayon ang sitwasyon dito.
Pinakaunang naghain ng COC si incumbent Makati Vice Mayor Monique Lagdameo at si Makati Councilor Dennis Almario na tumatakbo sa Una at Ikalawang distrito ng Makati habang sa 4th District naman ng Manila ang incumbent Councilor Joel Tagle Villanueva.
Tanging mga staff at pamilya lang ang kasama ng mga ito nang maghain ng kanilang mga COC.
Samantala, naitanong naman sa kandidato ng Makati ang tungkol sa natitirang barangay sa District 2 matapos na mailipat sa Taguig City ang sampung EMBO barangays.
Ayon kay Almario, nasa kamay na ng Kongreso ang usapin ng redistricting sa Ikalawang Distrito ng Makati na aabot na lang sa 40,000 ang mga rehistradong botante.
Ang required kasi na boto para sa bawat isang legislative district ay dapat 250,000 pataas.
Sa ngayon aniya, ang tatlong mga barangay na Guadalupe Viejo, Guadalupe Nuevo at Pinagkaisahan ay mananatiling nasa District 2 ng syudad dahil distrito naman ito nang i-apply at hindi pa naiaalis.