Marawi City – Isinailalim na sa clearing operation ang tatlong barangay sa Marawi City matapos ang bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at ng Maute Group.
Sa press briefing sa Marawi City kanina, sinabi ni 1st Infantry Division Spokesperson Lt.Col. Jo-Ar Herrera na patuloy nilang binabantayan ang mga barangay ng Gadungan, Basak Malulut at Bangon.
Kasabay nito, nilinaw ni Herrera na hindi totoong kontrolado na ng Maute Group ang ilang mga lugar sa Marawi City.
Sa harap ito ng mga ulat na malaya umanong nakakagala sa lugar ang mga terorista base na rin sa mga larawan at video na kumakalat ngayon sa social media.
Paliwanag ng opisyal, media savvy lang ito ng Maute para lituhin ang publiko.
Dagdag pa ni Herrera, nasa loob pa ng Marawi si Isnilon Hapilon gayundin ang nasa 30 hanggang 40 miyembro ng Maute Group base na rin sa kanilang intelligence report.
Nagpatupad na rin ng maximum tolerance sa Marawi kasabay ang apelang kooperasyon ng publiko at iba pang Local Government Units.