Tatlong barangay sa Parañaque City, walang naitalang aktibong kaso ng COVID-19

Nasa tatlong barangay sa lungsod ng Parañaque ang walang naitalang kaso ng COVID-19 mula ng pagpapasok ng Bagong Taon.

Sa datos ng Parañaque City Health Office at Parañaque City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU), nakapagtala ang Barangay Tambo, Vitalez at Baclaran ng zero active cases ng COVID-19 habang ang Barangay BF Homes naman ay may mataas na bilang na nasa 29.

Sa kabuuan, umaabot na sa 121 ang aktibong kaso ng COVID-19; 8,148 ang confirmed cases; 210 ang bilang ng nasawi at 7,817 na mga residente sa lungsod ang nakarekober sa sakit.


Sinabi naman ni Mayor Edwin Olivarez na nasa 300,000 na residente ng Parañaque City ang makakatanggap ng COVID-19 vaccine ngayong 2021 matapos maglaan ng P250 milyon ang lokal na pamahalaan.

Ayon kay Olivarez, direkta silang nakikipag-negosasyon sa pharmaceutical company para sa gagawing pagbili ng vaccine na aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) sa sandaling maging available na ito anumang oras ngayong taon.

Sinisiguro rin ng alkalde sa mga residente nito hindi sila kukuha o bibili ng bakuna na hindi aprubado at hindi rehistrado ng gobyerno kaya’t walang dapat ipag-alala.

Una namang bibigyan ng bakuna kontra COVID-19 ang mga health workers, essential service workers, security at traffic personnel gayundin ang 59,000 senior citizen mula sa 16 barangay.

Facebook Comments