Nangangailangan ng 1,500 na classroom ang tatlong bayan sa Cotabato para sa muling pagbabalik ng klase sa Agosto 22.
Ito’y matapos maapektuhan ang karamihan ng paaralan sa naganap na lindol noong 2019 sa Cotabato City, partikular sa mga apektadong bayan na Makilala, M’lang at Tulunan.
Ayon kay Cotabato Schools Division Superintendent Isagani dela Cruz, karamihan sa mga silid-aralan ay hindi pa tapos ayusin simula nang tumama ang lindol.
Aniya, kinapos kasi sa pondo ang Department of Education (DepEd) Region 12 para sa isaayos ang mga silid-aralan na tinatayang aabot sa P1.4 billion.
Gayunpaman, sinabi ni Dela Cruz na matapos ang lindol ay nakapagtayo naman sila ng mga temporary learning spaces (TLS) na pansamantalang ginagamit ng mga mag-aaral at guro.
Ngunit nang tumama ang pandemya sa bansa ay hindi ito naging sapat dahil sa pagpapatupad ng social distancing na kakaunti lamang kayang i-accommodate.
Giit ni Dela Cruz, kung hindi pa rin matatapos ang mga apektadong paaralan ay mapipilitan silang magpatupad ng dalawang klase sa umaga at sa hapon, gayundin ang posibleng pagpapatupad ng blended learning na modular at face-to-face classes.