Hindi hinayaang makapasok ng Bureau of Immigration sa Pilipinas ang tatlong biyaherong may travel history sa bansang sakop ng ikinasang travel ban dahil sa pagkalat ng United Kingdom variant ng COVID-19.
Ayon kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval, naharang agad ng ahensya ang mga ito nang malaman na hindi pa nakakalipas sa 14 na araw mula nang manggaling ang mga ito sa bansang sakop ng travel ban.
Muli namang nilinaw ni Sandoval na hindi sakop ng travel ban ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na pauwi ng bansa.
Aniya, kahit na galing pa ang mga ito sa mga bansang may bagong variant ng COVID-19 ay papasukin pa rin at agad na ire-refer sa pasilidad upang doon gugulin ang 14-day quarantine.
Sa ngayon, nananatiling nasa 21 bansa pa rin ang nasa ilalim ng travel ban na ipinapatupad ng pamahalaan.