Tatlong bodega sa CDO, sinalakay ng mga awtoridad; mahigit 400,000 sako ng asukal na hinihinalang hoarding nakita

Tatlong bodega sa Cagayan de Oro City ang sinalakay ng mga awtoridad na pinaniniwalaang responsable sa malawakang hoarding ng asukal sa bansa.

Batay sa ulat mula sa Office of the Press Secretary, ang tatlong bodega ay pag-aari ng Cystral Sugar Milling Inc., na nasa North Poblacion.

Kabuuang 466,142 sako ng asukal ang naimbentaryo ng mga awtoridad, kung saan 264,000 na sako rito ang naibenta na umano sa mga negosyante pero hindi pa lamang naididiskarga mula sa mga bodega.


Hiningan daw ng kopya ng mga dokomento ang warehouse manager na kinilalang si Javier Sagarbarria pero nangatwiran ito at sinabing wala ang taong may hawak ng mga hinahanap na dokumento.

Kasama ng BOC Region 10 na nagsagawa ng operasyon ang mga kinatawan ng Sugar Regulatory Administration (SRA), at mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na bitbit ang letter of authority at mission order.

Nagresulta ang operasyon, batay na rin sa intelligence report na nagsasabing ang may-ari ng tatlong bodega ay sangkot umano sa malawakang hoarding ng suplay ng asukal.

Facebook Comments