Gagawaran ng Kamara ng “Congressional Medal of Distinction” ang tatlong boksingerong Pilipino matapos magkamit ng medalya sa katatapos lamang na 2020 Tokyo Olympics.
Nakatakdang pagkalooban ng Kamara ng medalya sina Olympic silver medalist Nesthy Petecio matapos magwagi sa women’s boxing.
Makakatanggap din ng Congressional Medal of Distinction ang mga Filipino boxer na sina Olympic silver medalist Carlo Paalam, at Olympic bronze medalist Eumir Marcial.
Nakapaloob ang paghahain ng Congressional Medal of Distinction sa House Resolution 2093, na inihain sa pangunguna ni Speaker Lord Allan Velasco at House Resolution 2084 ni Zamboanga City Rep. Manuel Jose Dalipe.
Sinabi ni Velasco na sina Nesthy, Carlo, at Eumir ay maituturing na pambansang bayani sa larangan ng sports dahil humarap ang mga ito at tinalo ang “best athletes” sa buong mundo.
Ang nasabing Congressional Medal of Distinction ay parangal para sa mga Filipino achiever sa sports, business, medicine, science, at iba pang larangan.