Go signal na lamang ang hinihintay ng Department of Science and Technology (DOST) mula sa World Health Organization (WHO) upang malaman ang tatlong candidates na pasok sa gagawing Solidarity Vaccine Trials sa Pilipinas.
Ayon kay Science Secretary Fortunato dela Peña, bagama’t hindi pa nila matukoy ang tatlong grupo, handa na ang lahat ng kanilang team dito.
Una nang sinabi ni Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Rowena Cristina Guevara, na siyang Chairman ng Task Group on Vaccine Evaluation and Selection, na inaprubahan na ng Food and Drug Administration ang pagsasagawa ng Phase 3 clinical trials na may nakalaang pondo na P89-million.
Nagbigay pa dito ang Department of Budget and Management ng karagdagang P384.4 million at ang Department of Health (DOH) ng P9.6 million.
Bukod sa FDA, kailangan ding aprubado ang vaccine trial ng Vaccine Experts Panel (VEP) at Single Joint Research Ethics Review Board.