Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na muling namataan ang presensya ng tatlong China Coast Guard vessels sa Scarborough Shoal, sa isang oras na maritime domain awareness (MDA) flight noong Huwebes.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, dalawa rito ay namataan sa loob ng lagoon o Bajo de Masinloc at ang isa ay nagpapatrolya sa labas.
Namataan din aniya ng PCG ang dalawang Filipino fishing boats sa lugar.
Nagtagal ang mga Chinese vessel sa Scarborough Shoal at naglabas ng radio challenge sa mga awtoridad ng Pilipinas matapos alisin ang floating barrier na inilagay sa China na nagpapalayo sa mga mangingisdang Pilipino sa lugar.
Kahapon, ipinakita ng PCG sa media ang narecover na angkla ng China at ang bahagi ng makapal na lubid na nakabit dito.
Malaking bagay anila ang pagkakatanggal ng harang dahil sa makakapangisda na ang mga mangingisdang Pilipino sa lugar.
Samantala, sinabi ni Tarriela na nagpahayag ang ilang grupo ng mangingisda na handa silang tumulong sa mga awtoridad na idokumento ang agresibong taktika ng Chinese vessels sa West Philippine Sea kung bibigyan sila ng gobyerno ng kagamitan at seguridad.
Ani Tarriela, pinahahalagahan nila ang ganitong uri ng makabayang pagboboluntaryo, pero hindi rin umano nila nais na malagay sa panganib ang kaligtasan ng mga mangingisda.