Tatlong convicted Pinoy sa UAE dalawa dito nasa death row, ginawaran ng pardon matapos ang apela ni Pangulong Marcos

Ginawaran ng pardon ang tatlong convicted na Pilipino sa UAE, matapos ang apela ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kay United Arab Emirates President Sheikh Mohamed Bin Zayed Al Nahyan.

Dalawa sa mga ito ay nasa death row na dahil sa kasong drug trafficking, habang ang isa naman ay na-sentensyahan ng 15 taong pagkakabilanggo dahil sa slander.

Ayon kay Presidential Communication Office (PCO) Secretary Cheloy Velicaria Garafil, nagkausap na sina Pangulong Marcos at UAE President Sheik Mohamed at nagpasalamat si Pangulong Marcos sa magandang tugon sa kaniyang hiling, na dalawang buwan na ang nakakaraan.


Ginamit rin ng pangulo ang pagkakataon upang pasalamatan ang UAE government sa pagpapaabot ng tulong sa mga apektadong Pilipino dahil sa pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Habang kinilala naman ng UAE president ang kontribusyon ng OFWs sa kanilang bansa.

Inimbitahan din muli ng UAE si Pangulong Marcos na dumalo sa 2023 United Nations Climate Change Conference sa Dubai.

Facebook Comments