Tatlong freedom park sa lungsod ng Quezon ang itinalaga ng Philippine National Police (PNP) kung saan maaaring magprotesta ang iba’t ibang grupo para sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Hulyo 25.
Tinukoy ni PNP Director for Operations Police Major General Valeriano de Leon ang mga ito na Quezon Memorial Circle, loob ng compound ng Commission on Human Rights (CHR) at loob ng UP Diliman Campus.
Kasunod nito, umaapela ang opisyal sa mga raliyista na limitahan ang kanilang mga aktibidad sa mga freedom park upang hindi makaabala sa daloy ng trapiko at maiwasan ang komprontasyon sa pagitan ng mga pulis.
Sinabi pa ni De Leon na hindi nila papayagan ang pagsusunog ng mga effigies.
Matatatandaang nagbigay na ng mandato si PNP-OIC Police Lt. Gen Vincente Danao Jr., sa mga pulis na ide-deploy sa SONA na ipatupad ang maximum tolerance sa mga raliyista.