TATLONG GRASSFIRE INCIDENT, SUMIKLAB SA ISANG ARAW SA CALASIAO

Tatlong insidente ng grassfire ang naitala sa iba’t-ibang barangay sa bayan ng Calasiao nitong ika-13 ng Abril.

 

Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan kay BFP Calasiao Fire Arson Investigator SFO1 Riccini Adel M. Fernandez naitala ang insidente ng sunog sa tatlong barangay – sa San Vicente, San Miguel at Ambonao.

 

Sa kanilang imbestigasyon, mag-aalas-onse ng umaga nag-umpisang sumiklab ang sunog sa talahiban sa Brgy. San Vicente, at idineklarang fire out ito ng mag-aalas tres ng hapon.

 

Kasabay nito ay sumiklab din ang sunog sa dalawa pang barangay bagamat mabilis itong naapula.

 

Ang nakikitang dahilan ay ang matinding init ng panahon dahil wala naman daw napaulat partikular sa San Vicente na nagsunog bago ang insidente.

 

Kaugnay nito, nagpapaalala ang BFP Calasiao sa mga residente rito upang maiwasan ang naturang insidente.

 

Samantala, patuloy ding isinusulong ang Oplan Ligtas na Pamayanan na ibinababa sa mga komunidad sa mga barangay upang mabigyang-kaalaman ang mga ito sa naturang usapin.| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments