Tatlong guwardiya, arestado dahil sa pamamaril

Bulacan – Sa kulungan ang bagsak ng 3 security guards makaraang mamaril sa FBIC Compound Brgy. Santor, Malolos City, Bulacan, mag-aalas-onse kagabi.

Kuwento ng mga biktimang sina Charles Nebrida, James Ayad at Arnel Lukban, nag-iinuman sila kasama ang tatlong sekyu na sina Jayson Barrios, Arnel Ursalam at John Peter Gordeville nang bigla silang nagkainitan na humantong sa suntukan.

Bigla na lang umanong bumunot ng 9mm na baril ang isa sa mga suspek at pinaputukan sila.


Sa kabutihang palad, wala naman ni isa ang sa kanila ay tinamaan.

Agad na rumesponde ang mga kagawad ng Malolos City Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.

Narekober mula sa kanila ang 9mm na baril at ilang piraso ng bala.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente habang inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga suspek.

Facebook Comments