Mas pinaigting ng Police Regional Office 1 (PRO 1) ang kampanya laban sa mga pinaghahanap na kriminal matapos masakote ang tatlong high-profile fugitives sa magkakahiwalay na operasyon sa Pangasinan at Ilocos Norte.
Unang naaresto sa Umingan ang isang 52 anyos na lalaki na itinuturing na No. 1 Most Wanted Person sa bayan, dahil sa kasong paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175) na may itinakdang piyansang ₱200,000.
Sinundan ito ng isang joint operation ng Malasiqui Police at Baguio City Police Station 5, kung saan nadakip ang isang 25 anyos na pintor na kabilang sa high-value targets bilang No. 4 Most Wanted sa regional level at ikapito naman sa Baguio City, dahil sa tatlong bilang ng kasong Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004 (RA 9262) na may kabuuang piyansang ₱216,000.
Sa pagpapatuloy ng operasyon, isang 77 anyos na lalaki ang naaresto sa Dingras, Ilocos Norte, bilang No. 9 Most Wanted Provincial Level at nahaharap sa kasong statutory rape, na isang non-bailable offense.
Ayon sa kapulisan, patuloy na bibigyang prayoridad ang mga operasyon kontra kriminalidad sa rehiyon upang mapanatili ang kaayusan sa mga komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










