Tatlong high value targets kabilang ang isang konsehal, arestado sa magkahiwalay na operasyon sa Misamis Oriental

Nasakote ang tatlong high value targets kabilang ang isang konsehal matapos ang ikinasang magkakahiwalay na search warrant operations ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Magsaysay, Misamis Oriental.

Unang nadakip ng mga awtoridad ang isang 38-anyos na lalaki na kinilala sa alyas ‘Mic-mic’ sa Purok 1, Mauswagon, Barangay Kibungsod kung saan nahulihan siya ng 20 grams ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P136,000.

Naaresto naman sa Purok 6 Barangay Artadi si alyas ‘Alpims’, 48-anyos kung saan nasabat sa kaniya ang mahigit 100 gramo ng parehong droga na may standard drug price na aabot sa P748,000.

Sa huling operasyon ng PDEA ay kanilang naaresto ang 49-anyos na isang Municipal Councilor sa Purok 1 Barangay Candiis kung saan nakumpiska sa kaniya ang nasa 5 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P34,000.

Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments