Tatlong holdaper kabilang ang menor de edad na nang-hold up sa isang lady guard, arestado sa Pasig City

Arestado ang tatlong holdaper kabilang ang menor de edad matapos na holdapin ng mga ito ang isang lady guard sa Ortigas Avenue corner, Alfonso St. Brgy. Rosario, Pasig City.

Kinilala ang mga suspek na sina Angelito Marilag, 19-anyos; Jericho Gigante, 19-anyos; at isang 17-anyos na menor de edad habang ang biktima ay nakilalang si Jennifer Espenella, 26-anyos, lady guard.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, papauwi na sa kanilang bahay mula sa trabaho ang lady guard nang biglang lapitan ng mga suspek at tutukan ng gunting pagkatapos ay sapilitang kinuha ang kanyang backpack na may lamang dalawang cellphone, ₱4,500 at iba’t ibang klase ng ID.


Humingi ng tulong ang lady guard sa mga naka-duty na Barangay Tanod at agad rumesponde kung saan naispatan ang mga suspek na naglalakad sa Amang Rodriguez St., kanto Jobson St., Brgy. Rosario, Pasig City at doon nasakote at nabawi ang backpack.

Facebook Comments