Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang tatlong house bill na inihain sa House of Representative kahapon.
Una na riyan ang House Bill No. 10145 o ang “Philippine Medical Act” kung saan ang layunin ay ma-update at maging modernized ang kasalukuyang batas sa propesyon sa medisina na paunlarin at pagyamanin ang kakayahan, maging etikal, at magkaroon ng globally competitive na mga doktor.
Inaprubahan din ang House Bill No. 10960 na nag-aamyenda sa “Electric Vehicle Industry Development Act” na ang layunin ay gawing mas abot-kaya ang sustainable transportation na ang resulta ay mas mababang greenhouse emissions.
Sa ilalim nito, ang importasyon ng completely build unit (CBU) ay magkaroon ng zero percent na taripa sa loob ng limang taon kung kailan magiging epektibo ang nasabing bill.
Naipasa rin naman ang House Bill No. 11113 na nag-aamyenda sa “Motorcycle Crime Prevention Act” kung saan maglalagay ng mga malaking plaka sa harap ng mga motorsiklo upang i-rationalize ang safety measures at parusa kaugnay sa operasyon ng mga ito.