
Huli ang tatlong indibidwal na sangkot sa umano’y illegal drag racing sa malapit sa isang building sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Kinilala ang mga sangkot na sina alyas ‘Joel’, 30-anyos, ‘Christian’, 19, at ‘Carmilo’, 30.
Ayon sa ulat ng pulisya, habang nagsasagawa ng routine checkpoint ang Quezon City Police District – Police Station 6 ay nakatanggap sila ng report sa isang concerned citizen na may nagaganap na drag racing activity sa nabanggit na lugar.
At nang puntahan ng mga awtoridad, sinubukan pang tumakas ng mga sangkot sa iligal na gawain at ang ilan sa kanila ay nagpunta sa isang commuter van na naka-park sa lugar.
Natagpuan naman sa isinagawang inspeksyon ang isang Yamaha Mio Sporty sa loob ng van habang ang dalawa naman ay naka-park.
Bukod rito, nakita rin na mino-modify ni alyas ‘Joel’ ang isang Yamaha Aerox na motorsiklo.
Dahil dito, kinumpiska ng pulisya sa pakikipagugnayan Police Station 14 ang mga nabanggit na sasakyan kabilang ang van at kasalukuyang naka-impound sa District Traffic Enforcement Unit ng QCPD para sa tamang dokumentasyon.
Habang inisyuhan naman ng Official Violation Receipt (OVR) ang tatlo dahil sa iligal na aktibidad.










