Tatlong indibidwal na nagbebenta ng pekeng MMFF tickets, arestado ng QCPD

Arestado ng mga tauhan ng Quezon City Police District–District Special Operations Unit (QCPD-DSOU) ang tatlong suspek na iligal na nagbebenta sa online ng mga complimentary ticket ng Metro Manila Film Festival (MMFF).

Ito ay matapos na humingi ng tulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa QCPD para sa pagsasagawa ng entrapment operation laban sa tatlong indibidwal.

Ayon sa MMDA, may kabuuang 46 na tiket ang iligal na naibenta sa pamamagitan ng Facebook sa halagang P1,300 hanggang P1,500 bawat isa.


Sa report, isang pulis ang nakipag-transaksyon sa isa sa mga suspek para bumili ng tiket at nahuli ito sa entrapment operation noong Disyembre 14 sa Quezon City.

Pinatunayan naman ng MMFF Secretariat na peke ang nakumpiskang 40 tiket sa suspek na kalaunan ay itinuro naman ang kanyang mga kasabwat na nadakip na rin.

Kinondena naman ni MMDA acting Chairman and concurrent MMFF Over-all Chairman Atty. Don Artes ang nasabing iligal na gawain.

Sumailalim na sa inquest procedure ang tatlong suspek at sasampahan ng kasong estafa sa pamamagitan ng Falsification of Public Documents kaugnay ng R.A 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga ito.

Facebook Comments