Sa inilunsad na malawakang One Time Big Time na paghahain ng warrant of arrest ng PNP, matagumpay na nasilbihan ng mga kapulisan ng Cauayan City Police Station ang dalawang akusado na kabilang sa mga PDL ng Cauayan City District Jail at isa naman sa BJMP Nueva Vizcaya.
Ang dalawang nasilbihan ng mandamiento de aresto dito sa Cauayan City District Jail ay kinabibilangan ni Marinold Alonto, 31 taong gulang, walang asawa, residente ng Brgy. District 3, Cauayan City, Isabela.
Siya ay muling sinilbihan dahil sa karagdagang kasong labing-apat na beses ng pagnanakaw o Qualified Theft.
Nagkakahalaga naman ng tig P120,000 sa bawat kaso ang inirekomendang piyansa ng korte para sa kanyang pansamantalang paglaya.
Si Alonto ay nakulong dahil rin sa 18 counts na Qualified Theft at kasong Falsification by Private Individual of Private Documents.
Ikalawang nasilbihan ang akusadong si Jonafel Dela Merced, 42 anyos, may asawa, residente ng brgy Tagaran, Cauayan City, Isabela para naman sa kasong apat (4) na beses na Swindling o Estafa.
Nasa halagang tig-P40,000 sa bawat kaso naman ang kailangang ilagak na piyansa ni Dela Merced para sa kanyang panandaliang paglaya. Dinakip si Dela Merced dahil rin sa kasong Estafa.
Ikatlo naman sa matagumpay na one-time big-time operation ng PNP ang akusadong si Melanio Gabriel Jr., 32 anyos, binata, helper, residente ng Villa Norte, Maddela, Quirino, para naman sa kasong dalawang (2) beses na Qualified Theft na may kaukulang piyansa na tig P120,000 sa bawat kaso.
Samantala, inaasahan pa na madagdagan ang bilang ng mga nasilbihan ng warrant of arrest sa nasasakupan ng PNP Cauayan dahil mayroon pang mga kinokonsolidate na mga datos kaugnay sa mga suspek na hinainan ng warrant of arrest.