Tatlong kadete na sangkot sa pagkamatay ni PMA Cadet Darwin Dormitorio, pinalilipat na sa Baguio City Jail

Iniutos ng Baguio Regional Trial Court Branch 5 ang paglipat sa Baguio City Jail sa tatlong kadete ng Philippine Military Academy (PMA) na sangkot sa hazing at pagpatay kay 4th Cadet Class Darwin Dormitorio.

Sa kautusan ni Presiding Judge Maria Ligaya Itliong-Rivera, pinalilipat sina PMA 3rd Class Cadets Shalimar Imperial, Felix Lumbag at Julius Tadena sa Baguio City Jail.

Ito ay habang wala pang desisyon ang korte sa mosyong inihain ng Armed Forces of the Philippines (AFP).


Sina Imperial at Lumbag ay nahaharap sa kasong murder habang si Tadena ay kinasuhan ng hazing at less serious physical injuries.

Nauna nang umapela ang AFP sa korte na mapanatili sa kanilang kustodiya ang tatlong akusasong PMA cadets

Pinagsusumite naman ng Baguio RTC Branch 5 ang prosekusyon ng komento sa mosyon ng AFP.

Si Dormitorio, 20-anyos, ay nasawi noong September 18, 2019 makaraang magtamo ng mga bugbog at pinsala sa katawan dahil sa hazing.

Facebook Comments